Binuweltahan ni Senador Antonio Trillanes IV si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte kaugnay sa social media post ng huli na tinawag na "Senator Ugok" ang mambabatas.
Ayon kay Trillanes, hindi na niya papatulan ang ginawang pagtawag sa kaniya ng bise alkalde na ugok. Kasabay ng larawan na nakapost sa Facebook account ng lokal na opisyal na nagpapakita sa ilang miyembro ng Liberal Party na kasama ang negosyanteng si Kenneth Dong, na nadadawit sa P6.4-bilyong shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs at kinalaunan ay nasabat sa isang bodega sa Valenzuela noong Mayo.
“Yung medyo kabastusan portion o yung tema ng kaniyang mensahe, hindi ko na papatulan 'yan. Pero it reflects na ito ay hindi pinalaki nang maayos ng kaniyang magulang,” pahayag ni Trillanes nang makapanayam nitong Lunes.
“At hindi rin ako nagugulat kasi kung bastos yung tatay, malamang bastos din yung anak,” dagdag niya.
Davao City Vice Mayor Paolo Duterte's Facebook post.
Si Paolo ay anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago lumabas ang larawan ng ilang kasapi ng LP na sinasabing kasama si Dong, isang larawan muna ni Paolo ang lumabas din sa social media na nagpapakita na kasama niya ang kontrobersiyal na negosyante.
Ayon kay Trillanes, dapat maghanda si Paolo kung papaano sasagutin ang mga alegasyon na may kinalaman siya sa BOC at mga iregularidad umano sa ahensiya.
“Yung kaniyang involvement sa Customs, operations, yung mga illegal activities diyan, malalim ang tinitingnan natin na anggulo rito. So maghanda siya ng papaano niya ito haharapin at sasagutin,” payo ng senador.
Sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na puwedeng "imbitahan" si Paolo sa ginagawang imbestigasyon ng Blue Ribbon committee tungkol sa shabu shipment, pero walang basehan para obligahin siyang dumalo sa pagdinig.
“Puwede rin tanungin kung i-elaborate ni Mark Taguba at kung may personal transaction directly with Paolo or whoever close to Paolo, puwede tanungin 'yan,” saad ni Lacson.
Hinamon din ng Palasyo ang mga nag-uugnay kay Paolo kay Dong na magsampa ng reklamo sa tamang lugar.
"Unang-una, it should be vetted for accuracy and secondly, what are the implications?" ayon kay presidential spokesperson Ernesto Abella.
"I mean, what are apparent implications regarding this matter? But on the whole, if, kung talagang anything serious, then whoever is concerned regarding this matter, then should raise the issue, raise up the issue at the proper venue hindi na iyong paikot-ikot," dagdag ng opisyal.
ANONG MASASABI NINYO DITO MGA KA-DDS?